Sa paggunita ng World Population Day ngayong Hulyo 11, muling ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa mga Pilipino ang kahalagahan ng libreng family planning services na maaaring makuha sa mga pampublikong ospital.
Ayon sa DOH, maaaring makakuha ang publiko ng iba’t ibang uri ng kontraseptibo sa ilalim ng PhilHealth Konsulta Package, kabilang na ang intrauterine device (IUD) na may halagang ₱3,900, subdermal implant (₱5,850), vasectomy at ligation (parehong ₱7,800), na lahat ay libre sa mga kwalipikadong pasyente.
Layunin ng mga programang ito na palakasin ang reproductive health at bigyang kapangyarihan ang bawat indibidwal at mag-partner na makapag-desisyon nang responsable ukol sa pagpapamilya.
Kasama ito sa malawakang hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang mga isyung may kinalaman sa kalusugan ng populasyon, isulong ang gender equality, at mapababa ang kaso ng maternal at infant mortality.
Ayon kay Commission on Population Development (POPCOM) Deputy Executive Director Lolito Tacardon, nananatiling seryosong usapin sa bansa ang teenage pregnancy at cohabitation o live-in arrangement sa mga kabataan.
“Cohabitation is becoming a common contemporary arrangement among Filipino couples, and this impacts population trends in the country,” ani Tacardon.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng 7.8% ang bilang ng rehistradong kasal noong 2023 kumpara sa nakaraang taon. Samantala, tumaas naman sa 12.7 milyon noong 2020 ang bilang ng mga magka-live-in, mula sa 7.3 milyon noong 2015.
Pinakamataas ang ganitong uri ng pagsasama sa National Capital Region (NCR) habang pinakamababa naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Karamihan sa mga nasa ganitong setup ay nasa edad 25 hanggang 29.
Ilan sa mga dahilan ng pag-usbong ng cohabitation ay ang pagiging praktikal, premarital pregnancy, trauma sa pamilya o relasyon, impluwensya ng social media, at pansamantalang pagsubok sa pagsasama bago magpakasal.
Samantala, iginiit ni Jose Roi Avena, Assistant Country Representative ng United Nations Population Fund (UNFPA) Philippines, na mahalaga ring bumuo ng mga sistemang sumusuporta sa reproductive aspirations ng bawat isa.
“Apart from giving Filipinos the freedom to choose the family planning method that best fits their lifestyle, we must also create systems that make parenthood accessible, promote gender-equal partnerships, and support families in all their diversity,” ayon kay Avena.
Sa huli, muling hinikayat ng DOH ang publiko na magpakonsulta sa mga government health centers upang alamin ang family planning method na akma sa kanilang kalagayan, paniniwala, at pangangailangan.
