Nangako si bagong talagang Presidential Communications Secretary Dave Gomez na isusulong niya ang transparency sa pamahalaan, kalayaan sa pamamahayag, at karapatan ng bawat mamamayan sa malayang pagpapahayag.
Pormal na nanumpa si Gomez sa tungkulin sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang seremonya sa Malacañang nitong Biyernes, Hulyo 11. Pinalitan niya si dating PCO Secretary Jay Ruiz.
Sa panayam sa mga mamamahayag matapos ang panunumpa, sinabi ni Gomez na ang kanyang pangunahing layunin ay ihatid sa publiko ang mga programa at polisiya ng administrasyon, hiwalay sa pulitika.
“I am grateful to the President for the trust and confidence, and I intend to repay that trust with my 100 percent commitment and focus on this role,” ani Gomez.
Binigyang-diin pa niya ang kahalagahan ng isang may kamalayang mamamayan sa pagpapatatag ng demokrasya:
“A healthy democracy depends on an informed public. That’s why we must continue to promote government transparency, safeguard press freedom, and defend every citizen’s right to free speech. Access to information is not a privilege – it’s a cornerstone of accountability and public trust.”
Si Gomez, na kilala sa kanyang karanasan sa komunikasyon at media, ay inaasahang magiging pangunahing tagapagsalita at tagapaghatid ng mensahe ng Pangulo sa publiko.
Ayon sa Palasyo, inaasahang magdadala si Gomez ng “fresh perspective” at mas modernong approach sa public communication ng administrasyon.
