KALABOSO ang dalawang tulak na itinuturing bilang High Value Individuals (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.5 milyong halaga ng shabu nang matiklo ng pulisya sa buy bust operation sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) OIC chief P/Capt. Regie Pobadora ang naarestong mga suspek na sina alyas “Baks”, 68, babae at alyas “Takoy”, 46, kapwa residente ng Brgy., 143, ng lungsod.
Sa ulat, positibo umano ang natanggap na impormasyon ng DDEU hinggil sa umano’y pagbebenta ng mga suspek ng shabu kaya ikinasa nila ang buy bust operation, sa koorsinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng isa sa kanyang mga tauhan.
Nang matanggap ang signal mula sa isa nilang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang kanilang transaksyon, agad sumugod ang mga operatiba ng DDEU at inaresto ang mga suspek dakong alas-4:45 ng madaling araw sa Brgy. 133.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 75 grams ng hinihinalang shabu na may estimated standard drug price na P510,000.00 at buy bust money.
Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 5, 26, at 11, under Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.
Pinuri naman ni NPD Acting Director P/BGen. Arnold Abad, ang pagsisikap ng mga operatiba ng DDEU para sa kanilang pangako sa kampanya laban sa ilegal na droga.
