
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na apat na Filipino seafarers ang naapektuhan sa pag-atake sa Greek-flagged bulk carrier MV Eternity C sa Red Sea malapit sa Hodeidah, Yemen, nitong mga nakaraang araw.
Sa isang press briefing ngayong Martes, sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na dalawa sa mga Filipino crew ang sugatan habang dalawa pa ang kasalukuyang pinaghahanap matapos ang nasabing insidente.
Ayon kay Cacdac, inatake ang barko gamit ang sea drones at mga mabilisang bangka (skiffs) na may sakay na mga armadong lalaki na may rocket-propelled grenades (RPG). May kabuuang 22 tripulante ang MV Eternity C — 21 dito ay mga Pilipino at isa ay Indian national.
Ang barko ay pinamamahalaan ng Cosmoship Management, habang ang mga Pilipinong tripulante ay idinaan sa lokal na manning agency na Status Maritime Corp.
“We are closely coordinating with the ship manager and the concerned authorities to determine the status of the two missing seafarers and ensure the injured ones receive appropriate medical attention,” ayon kay Cacdac.
Wala pang grupong umaako sa pananagutan sa pag-atake, at patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, tiniyak ng DMW na patuloy nilang binabantayan ang kalagayan ng iba pang Filipino crew sa Red Sea region at handang magbigay ng tulong sa mga apektadong pamilya.
“Our thoughts and prayers are with the seafarers and their loved ones. The DMW stands ready to extend all necessary support,” dagdag ni Cacdac.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng Philippine government sa international partners upang tiyaking ligtas ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa high-risk maritime zones gaya ng Red Sea.
