Nagkaloob ng ₱1.2 milyong pinansyal na tulong ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa biyuda ng isang line worker na nasawi sa isang aksidente sa trabaho noong Disyembre sa bayan ng Juban, Sorsogon.
Ayon kay DOLE Bicol Regional Director Imelda Gatinao, bukod sa financial settlement, tinanggap din ng biyuda ang insurance claims at separation pay, bilang bahagi ng kabuuang kompensasyon matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon ng mga labor inspector ng DOLE, lumitaw na may matitinding paglabag ang kumpanya ng biktima sa Occupational Safety and Health (OSH) standards at General Labor Standards (GLS). Ayon sa ulat, ilang pangunahing pagkukulang sa safety protocols ang direktang naging sanhi ng trahedya.
Dahil dito, agad na kumilos ang DOLE upang papanagutin ang kumpanya at ipatupad ang kinakailangang mga hakbang para maiwasan ang mga kaparehong insidente sa hinaharap.
“Magsilbi sanang paalala ito sa lahat ng employer: Ang pagsunod sa labor at safety standards ay hindi opsyonal — ito ay moral at legal na obligasyon,” pahayag ni Gatinao.
Pinuri rin ni Gatinao ang kasipagan at malasakit ng mga labor inspector at staff ng DOLE na naging bahagi ng imbestigasyon at proseso ng pagbibigay ng kompensasyon.
“Hindi lang ito usapin ng pera. Layunin naming tiyakin ang kaligtasan sa trabaho at ang makatarungang benepisyo para sa lahat ng manggagawa,” dagdag pa ng opisyal.
Patuloy na hinihikayat ng DOLE ang mga employer sa rehiyon na sumunod sa itinatakdang alituntunin sa kaligtasan sa trabaho upang mapanatili ang dignidad, seguridad, at karapatan ng bawat manggagawang Pilipino.
