Umaasa ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) na magbubunga ng patas na kompetisyon at mas bukas na kalakalan ang kasalukuyang negosasyon para sa Philippines-European Union Free Trade Agreement (PH-EU FTA), ayon kay ARTA Secretary Ernesto Perez nitong Lunes, Hulyo 7.
Bilang lead negotiator para sa Transparency at Good Regulatory Practices (GRP) chapters ng kasunduan, sinabi ni Perez na ito ang magiging pundasyon ng isang matatag at patas na FTA sa pagitan ng Pilipinas at EU.
“Naniniwala kami na ang mga negosasyon sa Transparency at GRP ay lilikha ng matibay na pundasyon para sa PH-EU FTA at mag-aambag sa matagumpay nitong pagpapatibay at implementasyon,” ani Perez sa isang pahayag.
Naganap ang ikatlong round ng FTA negotiations sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng European Union noong Hunyo 16 hanggang 20, 2025 sa Brussels, Belgium, kasunod ng mga pulong noong Oktubre 2024 at Pebrero 2025.
Matatandaang naantala ang orihinal na negosasyon na sinimulan pa noong 2016 at 2017, dahil sa mga alalahanin ng EU kaugnay ng humanitarian issues sa Pilipinas noong panahong iyon.
Ngayon, muling sumigla ang usapan sa gitna ng pagtutulungan ng gobyerno at internasyonal na partners upang palakasin ang kalakalan at pamumuhunan.
Ayon sa datos, ang European Union ang ika-apat na pinakamalaking trading partner ng Pilipinas at isang mahalagang pinagmumulan ng foreign direct investments.
Layunin ng kasunduang PH-EU FTA na pababain ang trade barriers, pasimplehin ang proseso ng kalakalan, at pasiglahin ang kompetitibong merkado sa parehong rehiyon.
Sa tulong ng ARTA at ng mga ahensyang katuwang nito, umaasa ang pamahalaan na maipapasa at maisasakatuparan ang FTA na may bitbit na transparency, efficiency, at regulatory fairness — mga hakbang na makikinabang ang mga negosyante, mamumuhunan, at konsyumer sa parehong panig ng kasunduan.
