
Magbabalik-bayan para sa isang makasaysayang paligsahan ang Filipino pole vault star na si Ernest John “EJ” Obiena, sa pagsasagawa ng World Pole Vault Challenge sa Setyembre 20 hanggang 21 sa Ayala Triangle Gardens, Makati City.
Sa pakikipagtulungan sa Atletang Ayala, ilalatag ni Obiena ang kauna-unahang street pole vault event ng bansa na inaasahang lalahukan ng ilan sa Top 10 pole vaulters sa buong mundo. Bukod sa prestihiyosong ranking points, cash prize rin ang naghihintay sa kampeon.
Ang paligsahan ay resulta ng pagtutulungan ng Atletang Ayala ng Ayala Group, MVP Sports Foundation, at ni Obiena mismo — na dalawang beses nang nagkamit ng medalya sa World Championships at kasalukuyang Asian record holder.
“Pangarap ko talagang maglunsad ng world-class sporting event sa sariling bayan. Ngayon, nangyayari na. Inaanyayahan ko ang aking mga kababayan na suportahan ang kaganapang ito,” pahayag ni Obiena, 29, nitong Lunes.
Ang Atletang Ayala World Pole Vault Challenge ay bahagi ng World Athletics Continental Tour-Bronze category, at opisyal na sinusuportahan ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), World Athletics, at Asian Athletics.
Sa panig ng Ayala Group, binigyang-diin ni Ayala Corporation executive director Jaime Alfonso Zobel de Ayala ang kahalagahan ng pagtutulungan para sa tagumpay ng atletang Pilipino.
“Proud kami na makipagtulungan kay EJ. Layunin naming palaganapin ang sports sa Pilipinas, suportahan ang ating mga atleta, at bigyang-inspirasyon ang susunod na henerasyon,” ani Zobel.
Ang Atletang Ayala program ay nagbibigay ng buong suweldo, flexible na trabaho, access sa training at medical facilities, at suporta sa international competitions para sa mga pambansang atleta.
Bahagi ito ng Leadership Development pillar ng Ayala Foundation, na layuning hubugin ang mga kabataang lider para maging globally competitive at inspirasyon sa bansa.
Isang malaking tagpo para sa Philippine sports, ang World Pole Vault Challenge ay inaasahang magiging milestone event na magpapalakas ng suporta ng sambayanan sa track and field, habang pinapakita sa mundo na kayang makipagsabayan ng atletang Pilipino sa global stage. (RON TOLENTINO)
