Ihanda na ang eyeliner at itim na jacket! Kumpirmado na ang pagbabalik ng iconic American rock band na My Chemical Romance (MCR) sa Pilipinas para sa isang major concert sa Abril 25, 2026, na gaganapin sa Philippine Arena sa Bulacan, ayon sa anunsyo ng Pulp Live World nitong Hulyo 7.
Ang nasabing show ay bahagi ng Southeast Asia Tour 2026 ng banda, kung saan bibisita rin sila sa South Korea, Thailand, Singapore, Malaysia, at Indonesia.
“Look Alive — MY CHEMICAL ROMANCE (@MCRofficial) is coming next summer, on April 25th, 2026 at the Philippine Arena and you’ll be given the chance to join The Black Parade once more,” ayon sa post ng Pulp Live World sa X (dating Twitter).
Dagdag pa ng promoters, inaasahan ang isang “larger-than-life” rock show na siguradong magpapabalik ng emosyon sa mga fans ng banda.
“The anthems will be huge, and the show will be larger than life itself. It’s going to be epic… But you already know that!” ayon pa sa post.
Ang My Chemical Romance, na nabuo noong 2001, ay sumikat sa mga hit tulad ng “Welcome to the Black Parade,” “I’m Not Okay (I Promise),” “I Don’t Love You,” “The Ghost of You,” at “House of Wolves.”
Kasalukuyang miyembro ng banda sina Gerard Way, Ray Toro, Frank Iero, at Mikey Way.
Ito na ang unang balik ng MCR sa bansa matapos ang kanilang reunion noong 2019. Tiyak na magiging isa ito sa pinakamalalaking rock concerts sa Pilipinas sa susunod na taon, at inaasahang dadagsain ng libo-libong emos fans mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang tickets at iba pang detalye ng concert ay inaasahang ilalabas sa mga susunod na buwan.
