
MAYNILA — Ibinunyag ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang umano’y malubhang kalagayan ng pananalapi ng lungsod na iniwan ng nakaraang administrasyon, kung saan umabot sa mahigit ₱10.2 bilyon ang hindi nabayarang obligasyon ng pamahalaang lungsod.
Sa kanyang inaugural State of the City Address noong Hulyo 1, sinabi ni Domagoso na ang dating administrasyon ni dating Mayor Sheilah “Honey” Lacuna ay nagtala ng budget deficit na umabot sa ₱4.6 bilyon, matapos makalikom lamang ng ₱21.2 bilyon sa halip na target na ₱25.8 bilyon para sa taong 2024.
“Ito ang kalagayan ng pananalapi ng Lungsod ng Maynila: ang ating lungsod ay nasa ICU,” pahayag ni Domagoso.
“Lumalalim tayo sa reserbang pera, habang patuloy na nadaragdagan ang obligasyon at hindi natutupad ang mga pangako sa mamamayan.”
Ayon kay Domagoso, ang ₱10.2 bilyong utang ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- ₱589 milyon para sa community development programs sa Office of Senior Citizen Affairs
- ₱55 milyon mandatory subsidy sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
- ₱26 milyon na ayuda sa Manila Police District
- ₱2 bilyon utang sa gamot at ₱925 milyon sa medical equipment
- ₱950 milyon utang sa mga garbage contractors gaya ng Leonel Waste Management Corp. (₱561 milyon) at pinagsamang utang sa MetroWaste at Philippine Ecology Systems Corp. (₱389 milyon)
Binanggit din ng alkalde ang ₱431 milyon para sa hindi nabayarang security at cleaning services, ₱2.9 bilyon sa supplies and materials, at ₱2.2 bilyon para sa imprastruktura.
Dagdag pa niya, mayroon ding mga utang sa Bureau of Internal Revenue at ₱200 milyon na hindi nabayarang kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS), na naging sanhi ng pagkaantala sa mga benepisyo ng mga empleyado ng city hall.
“Ang pinakamasakit dito, hindi ito pera ko, hindi ito pera ng politiko, kundi ito’y pinaghirapang pera ng mga kawani ng gobyerno,” aniya.
Inihayag din ni Domagoso ang umano’y ₱3.8 bilyong halaga ng cash advance mula Agosto 2024 hanggang Mayo 2025, kung saan ilang opisyal ng lungsod ang tumanggap ng halagang mula ₱132 milyon hanggang ₱1.1 bilyon bago ang eleksyon.
Binigyang-diin ng alkalde na posibleng nilabag ang Omnibus Election Code, at inatasan ang mga nasasangkot — dating opisyal man o kasalukuyan — na magsumite ng kompletong liquidation reports alinsunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.
“Sa mga indibidwal na ito, nasa city hall man kayo o wala na, inuutusan ko kayong magsumite ng tapat na liquidation report,” aniya.
Ipinahayag ni Domagoso ang plano niyang restrukturisasyon ng mga tanggapan ng lokal na pamahalaan upang mapaunlad muli ang ekonomiya ng lungsod.
Kabilang sa mga hakbang ang paglikha ng Task Force FACTS (Fiscal Accountability, Cost Transparency, and Spending) upang subaybayan ang daloy ng pananalapi sa mga tanggapan, partikular sa tax collection, pagbibigay ng permits, at zoning.
Bibigyang-pansin rin ang Manila Traffic and Parking Bureau, na ayon sa alkalde ay bumaba ng 26% ang kita simula nang italaga si Narciso Diokno III bilang pinuno ng naturang opisina noong panahon ni Lacuna.
Ipapanumbalik din ang pagproseso ng business permits sa Bureau of Permits, matapos itong ilipat sa Office of the Secretary noong 2024. Ayon sa alkalde, maraming negosyante ang nainis at umurong sa pamumuhunan sa Maynila dahil sa mabagal at magulong proseso.
Sa usapin naman ng social services, iginiit ni Domagoso ang pagbabalik ng ₱500 buwanang subsidiya sa mga senior citizen, sa halip na ituloy ang dating doble ngunit “hindi sustainable” na benepisyo. Tiniyak niyang maibabalik sa payroll ang mga lehitimong benepisyaryo na natanggal.
“Habang ikaw ay buhay, may pensyon ka sa Maynila,” pahayag ni Domagoso.
