
Kumpirmadong walang natirang bakas ng ilegal na droga ang abo mula sa sinunog na P9.4 bilyong halaga ng “shabu” at iba pang mapanganib na droga sa Capas, Tarlac, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Linggo.
Ayon sa PCO, isinailalim sa chemical analysis ang apat na bote ng abo mula sa magkakaibang batch ng pagsunog upang tiyaking lubusang nawasak ang mga kontrabandong droga, bilang bahagi ng transparency at environmental compliance ng ahensya.
“All four ash samples tested negative for shabu, marijuana, cocaine, and ecstasy,” pahayag ng PCO, batay sa ulat ng PDEA, na nagpapatunay umano sa pagiging masinsin ng proseso ng pagsunog.
Noong Hunyo 25, personal na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsira sa mga nasabat na droga sa isang waste management facility sa Capas. Kabilang sa sinunog ay ang malaking dami ng “floating shabu” na natagpuan ng mga mangingisda sa iba’t ibang baybaying bayan sa Luzon.
Ang pagsira at pagsusuri ng mga abo ay bahagi ng mas mahigpit na kampanya kontra droga, upang masiguro ang transparency at kontrahin ang mga alegasyong may nangyayaring drug recycling sa mga nasasabat na ebidensya.
“Dahil kailangang tiyakin natin na ‘yong mga nahuhuling drugs ay talagang sinisira at wala nang pag-asa na bumalik pa, na maibenta pa, na makuha, ire-report,” ayon sa Pangulo, kasabay ng paninindigan sa isang balanced, humane, at evidence-based na kampanya laban sa droga.
Ang hakbang na ito ay isa sa mga tinuturing na ehemplo ng bagong direksyon ng administrasyon sa paglaban sa ilegal na droga — mas bukas, mas sistematiko, at higit sa lahat, sumusunod sa batas.
