
PASIG CITY — Sa kanyang talumpati sa turnover ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng lungsod nitong Lunes, Hunyo 30, muling pinatunayan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kanyang paninindigan para sa pananagutan at mabuting pamamahala, sa pamamagitan ng pagtawag ng pansin sa mga umano’y lumalabag sa pagbabayad ng buwis.
Ang seremonya ay ginanap sa Bridgetowne, Barangay Rosario, na hudyat ng pormal na pagsisimula ng termino ng mga bagong opisyal ng lokal na pamahalaan.
Habang nananawagan ng pagkakaisa sa mga naging katunggali sa politika, iginiit ni Sotto na ang pagkakasundo ay hindi nangangahulugan ng paglilimot sa mga kasalanan, partikular sa bilyong pisong pagkakautang sa buwis ng ilang indibidwal o negosyo sa lokal at pambansang pamahalaan.
“Sa lahat ng aming katunggali, we extend a hand of peace. We extend a hand of unity. If possible, let us work together for the betterment of the city,” ani Sotto.
“Pero may dapat managot sa mga krimen na nangyari. Una sa lahat, ‘yung bilyon-bilyong buwis na hindi ninyo binayaran—bayaran ninyo!” mariin niyang pahayag.
Bagama’t matapang ang kanyang panawagan para sa hustisya, ipinakita rin ng alkalde ang kanyang kahandaang makipagdayalogo at makipagkasundo, kahit pa sa mga pinakamahigpit niyang kritiko.
“Handa akong makipag-usap sa kahit sino—kahit sa taong nanira sa akin, kahit sa taong sumabotahe sa mga ginagawa natin sa lokal na pamahalaan, kahit sa taong gumastos ng malaki para sirain ang ating mga reporma,” aniya.
“Handa akong makipagkasundo. Kaya natin makipagtrabaho kahit kanino.”
Si Sotto ay muling nahalal para sa kanyang ikatlo at huling termino bilang alkalde ng Pasig City matapos ang isang landslide victory nitong 2025 midterm elections.
Sa kanyang bagong termino, binigyang-diin niyang mas paiigtingin ang kampanya laban sa katiwalian, korapsyon, at hindi pagbabayad ng tamang buwis, upang matiyak na ang bawat sentimo ng pondo ay mapupunta sa serbisyo para sa mamamayan.
“Hindi tayo titigil hangga’t hindi nagbabayad ang dapat magbayad, at hindi nananagot ang dapat managot,” pagtatapos ni Sotto.
