
Inanunsyo ni Atty. Ferdinand Topacio na siya ang bagong itinalagang tagapagsalita ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa mga usaping may kinalaman sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang PDP ay pinamumunuan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kamakailan lamang ay naglatag ng 10-kandidatong senatorial slate na nagpanata na ia-acquit si VP Sara sakaling humantong sa impeachment trial.
“I am happy to announce that I have been appointed PDP spokesman on impeachment matters,” pahayag ni Topacio nitong Huwebes ng gabi sa mga mamamahayag.
Aniya, buo ang suporta ng PDP sa paninindigan ni VP Sara laban sa mga reklamong inihain sa kanya.
“In general, PDP is fully supportive of the stand of Vice President Sara Duterte with respect to the complaint against her and the party stands behind her all the way,” dagdag niya.
Ang pahayag ni Topacio ay kasunod ng pag-anunsyo ni VP Sara na si Atty. Michael Poa ang opisyal na tagapagsalita ng kanyang depensa para sa impeachment trial. Nang tanungin kung hindi ba ito magdudulot ng kalituhan, nilinaw ni Topacio na siya ay nagsasalita hindi para sa legal defense team, kundi para sa PDP sa pulitikal na aspeto ng isyu.
“I was speaking for the PDP and focusing more on the political nature rather than the specific merits of the vice president’s defenses,” paliwanag niya.
Binatikos din ni Topacio ang aniya’y panggigipit ng administrasyon kay Duterte gamit ang Konstitusyon.
“The PDP is opposed to the manner by which the administration is misusing the accountability of the Fundamental Law for the purpose of political assassination,” ani Topacio.
Bagamat hindi kasapi ng PDP si VP Sara sa kasalukuyan, iginiit ni Topacio na mahalaga para sa partido ang tumindig sa usaping may pambansang epekto.
Si Vice President Sara Duterte ay nahaharap sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, bribery, graft and corruption, betrayal of public trust, at iba pang matataas na krimen kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds.
Si Atty. Topacio ay matagal nang kaalyado ni dating Pangulong Duterte. Noong Pebrero, nakipagsanib siya kina dating House Speaker Pantaleon Alvarez, Atty. Virgilio Garcia, at senatoriable Jimmy Bondoc sa paghahain ng kaso laban kay House Speaker Martin Romualdez, pinsan ng kasalukuyang pangulo.
