
Bahagyang tumaas sa 20% ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng involuntary hunger o gutom na walang makain sa loob ng tatlong buwan, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Abril 23 hanggang 28, 2025.
Ang resulta ay bahagyang mas mataas kumpara sa 19.1% na naitala sa naunang survey noong Abril 11–15, bagama’t kapansin-pansin ang pagbagsak mula sa 27.2% noong Marso 2025.
Ayon sa SWS, ang kasalukuyang 20% hunger rate ay binubuo ng 16.4% na nakaranas ng “moderate hunger” (gutom ng minsan o ilang beses) at 3.6% na “severe hunger” (gutom na madalas o palagi).
Pinakamataas ang antas ng kagutuman sa Mindanao na may 26.3%, sinundan ng Metro Manila – 20.3%, Visayas – 19.7%, at Balance Luzon (labas ng Metro Manila) – 17%.
Bagama’t bumaba ang hunger incidence sa Metro Manila (mula 26% pababa ng 5.7 puntos) at sa Balance Luzon (mula 20.5% pababa ng 3.5 puntos), malaki naman ang itinaas sa Mindanao (mula 17.3%, tumaas ng 9 puntos) at Visayas (mula 14.3%, tumaas ng 5.4 puntos).
Batay rin sa parehong survey, 50% ng mga pamilya ang nagsabing sila ay mahirap, 8% ang nasa borderline, habang 42% ang nagsabing hindi sila mahirap.
Noong Disyembre 2024, umabot sa 63% o tinatayang 17.4 milyong pamilya ang nagsabing sila ay mahirap — ang pinakamataas sa loob ng 21 taon.
Ayon sa SWS, 41% ng mga respondent ang nagsabing sila ay “food-poor”, o kulang sa kalidad at dami ng pagkain. 7% ang nasa borderline food-poor, habang 51% ang hindi food-poor.
Mataas ang bilang ng mga nakaranas ng gutom sa hanay ng mga food-poor: 25.9% ang total hunger (moderate + severe) at sa non-poor (not poor + borderline): 14.1%. Bagamat bumaba ito mula sa 35.6% noong Marso, indikasyon pa rin ito ng patuloy na kagutuman sa maraming bahagi ng bansa.
Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 katao na may edad 18 pataas: 600 sa Balance Luzon, 300 sa Metro Manila, 300 sa Visayas at 300 sa Mindanao.
May sampling error margin na ±3% sa pambansang lebel, ±4% sa Balance Luzon, at ±6% sa bawat rehiyon ng Metro Manila, Visayas, at Mindanao. Ang resulta ay kinuwenta base sa medium population projections ng PSA para sa taong 2025.
Tanong sa survey: “Nitong nakaraang tatlong buwan, nangyari po ba kahit minsan na ang inyong pamilya ay nakaranas ng gutom at wala kayong makain?” (OO/HINDI)
Mensahe ng SWS: Ang patuloy na problema sa pagkain at kahirapan ay hamon hindi lamang sa ekonomiya kundi sa kalidad ng pamumuhay ng pamilyang Pilipino. Habang bumababa sa ilang bahagi ng bansa, ang pagtaas sa Mindanao at Visayas ay dapat tutukan ng mga kinauukulan.
