
MANILA — Pinag-aaralan na ng Department of Transportation (DOTr) ang mungkahing ipatupad ang 30 kilometro kada oras na speed limit sa mga lungsod upang mapababa ang bilang ng mga aksidente sa kalsada.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, makikipag-ugnayan ang DOTr sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang pag-aralan ang implementasyon nito sa Metro Manila.
“Kung ma-implement man ang speed limit, hindi na ‘yan mahirap i-enforce kasi meron na tayong NCAP (no-contact apprehension policy) sa mga national roads. At the same time, marami nang teknolohiya para malaman natin ang speeds ng ating mga sasakyan,” pahayag ni Dizon sa panayam ng DZMM.
Gayunman, inamin ni Dizon na maaaring makaapekto sa travel time ng mga pasahero ang limitasyong ito. “Titingnan natin. Medyo mabagal nga yun. Baka naman maapektuhan ang travel time naman ng ating mga pasahero,” aniya.
“Kailangan talaga pag-aralan natin ng mabuti itong mga ganitong klase ng proposal. Siyempre ibabalanse natin yung safety at yung convenience, yung bilis ng travel ng mga kababayan natin,” dagdag niya.
Samantala, inendorso ng Department of Health (DOH) ang panukala sa ilalim ng kampanya nitong iwasan ang mga nakamamatay na aksidente sa lansangan. Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipinong edad 5 hanggang 29 ang road crashes.
“Maraming bansa ang naglagay na niyan. Sa Amsterdam, walang helmet pero may speed limiter ang bawat motorsiklo na tatakbo ng 30 kph,” ani Herbosa. Ipinunto rin niyang bumaba ang bilang ng aksidente sa Commonwealth Avenue matapos ipatupad ang speed limit doon.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 13,101 ang nasawi sa mga aksidente sa kalsada noong 2023. Katumbas ito ng 32 katao kada araw, lima sa kanila ay mga bata.
Ayon sa DOH, ikalima na ang road crashes sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa, kasunod ng cardiovascular diseases, cancer, diabetes, at pneumonia.
“Maybe in another 10 years, it may be the top,” babala ni Herbosa.
Dagdag pa ni Herbosa, 70 porsyento ng mga aksidente ay kinasasangkutan ng mga motorsiklo, na karaniwang ginagamit ng mga Pilipino dahil sa pagiging mura at kakulangan ng pampublikong transportasyon.
Giit ng DOH, dapat ding repasuhin ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas gaya ng helmet, seatbelt, at child car seat policy, dahil nananatiling mataas ang bilang ng mga namamatay sa kalsada sa kabila ng mga ito.
More Stories
EJ Obiena muling nabigo sa podium matapos ang ika-7 pwesto sa Diamond League sa Sweden
Konektadong Pinoy Act, magpapabilis at magpapamura sa bayad sa internet sa bansa
E-Gov. Act, magpapabilis sa proseso sa pamahalaan