June 17, 2025

Tulfo pinuri ang pag-aresto sa umano’y landgrabber sa Bulacan

BULACAN — Pinuri ni ACT-CIS Party-list Representative at bagong halal na senador Erwin Tulfo ang agarang pagkakaaresto sa umano’y notoryus na landgrabber na si JJ Javier, na inakusahan ng ilegal na pagtatayo ng mga harang at pag-okupa sa kagubatang lupa sa bayan ng Doña Remedios Trinidad.

Ayon sa impormasyong natanggap ni Tulfo, dinakip si Javier ng mga operatiba ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) noong Hunyo 13 at kasalukuyang nakakulong sa Camp Crame, Quezon City.

“Bagama’t nahuli si JJ Javier sa iba’t ibang mga atraso, at hindi sa kasong land grabbing, maituturing pa rin itong tagumpay dahil isang kriminal ang nasa kamay na ng mga awtoridad,” pahayag ni Tulfo.

Nahaharap si Javier sa samu’t saring kaso tulad ng pagtutol at pagsuway sa awtoridad, paggamit ng pekeng pangalan at pagtatago ng tunay na pagkakakilanlan, obstruction of justice, pagmamaneho ng sasakyan na walang plaka, ilegal na pag-iingat ng baril at granada at umano’y pagkakasangkot sa syndicated estafa at pangingikil

Dagdag pa ng PNP-HPG, nagpapanggap umano si Javier bilang isang undersecretary ng isang ahensiya ng pamahalaan para sa mga personal na interes.

Lubos namang nagpasalamat si Tulfo kay PNP-HPG Director PBGen. Eleazar Matta sa mabilis na aksyon na nagbunsod sa pagkakadakip kay Javier.

Matatandaang una nang inireklamo si Javier dahil sa pagtatayo ng mga bakod at gate sa isang timberland area sa Doña Remedios Trinidad, na nagdulot ng perwisyo sa mga lokal na residente at magsasaka.

Nanawagan muli si Tulfo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa lokal na pamahalaan na agad na gibain ang mga ilegal na estruktura.

“Perwisyo ang dulot ng mga ilegal na harang na pinatayo ni JJ Javier. Kaya dapat agad na mapatanggal ang mga ito at tuluyan nang masawata ang land grabbing sa lugar,” giit ng mambabatas.

“Ako mismo ang tutulong sa inyo para tuluyan nang mawala si JJ Javier sa mga lupaing pagmamay-ari ng bawat Pilipino. Walang sinuman ang dapat manakot o manggipit para agawin ang lupain ng taumbayan,” matapang na pahayag ni Tulfo.