June 15, 2025

SMB, Ginebra, at ROS Nag-aagawan ng Pwesto; Converge Nakapila na Lang

Antipolo City — Titindi pa ang labanan para sa Top 4 spot sa PBA Season 49 Philippine Cup eliminations ngayong Linggo, Hunyo 15, sa Ynares Center, kung saan magtatapat ang mga powerhouse teams na San Miguel Beermen (SMB), Barangay Ginebra, at Rain or Shine (ROS) para tiyaking makuha ang win-once incentive sa quarterfinals.

5:00 PM: SMB vs. NorthPort

Unang maglalaro ang San Miguel laban sa naligwak nang NorthPort Batang Pier. Hawak ng Beermen ang kapalaran sa kanilang mga kamay—isang panalo ay awtomatikong magtataas sa kanila sa Top 4, kapantay ng Ginebra. Ngunit kung matalo ang SMB, may tsansa pa rin sila basta’t matalo rin ang Ginebra sa late game.

7:30 PM: Ginebra vs. Rain or Shine

Sa mas delikadong bakbakan, maghaharap ang Ginebra Kings (7-3) at Rain or Shine Elasto Painters (6-4). Hawak din ng Kings ang sariling kapalaran—isang panalo at pasok na sila sa Top 4. Pero kahit matalo, pwede pa ring umusad basta’t hindi lalampas sa 14 points ang pagkatalo.

Para naman sa ROS, mas mabigat ang hamon. Hindi lamang sila kailangang manalo, kundi dapat lampas 14 puntos ang kanilang panalo kontra Ginebra para umangat sa quotient rankings sa posibleng triple o quadruple tie para sa ika-apat na pwesto.

Converge: Abang Mode

Samantala, ang Converge FiberXers (7-4) ay nasa abang mode. Tapos na ang kanilang laban at maghihintay na lang ng resulta. Para makapasok sila sa Top 4, kailangang manalo ang NorthPort laban sa SMB at ang Ginebra naman ay matalo sa ROS—isang senaryo na magreresulta sa tie sa pagitan ng Converge at SMB kung saan uusbong ang FiberXers base sa “winner-over-the-other” rule matapos nilang talunin ang SMB, 100-97, kamakailan lang.

Quarterfinals Picture sa Alanganin Pa

Siguradong pasok na sa Top 4 ang Magnolia at NLEX, habang tiyak na rin ang Meralco sa ika-walong pwesto anuman ang mangyari. Pero para sa tatlong team na maglalaro ngayong gabi, ang kanilang tadhana sa playoffs ay nakasalalay sa bawat punto at bawat panalo.

Sino ang aangat? Sino ang malalaglag? Abangan ang matinding bakbakan sa PBA ngayong Linggo! (Ulat ni Ron Tolentino)