
PASIG CITY, Hunyo 13, 2025 — Isang 21-anyos na lalaki ang nasawi matapos mauwi sa engkwentro ang ikinasang buy-bust operation laban sa ilegal na bentahan ng baril sa Barangay Pinagbuhatan nitong Huwebes ng gabi, Hunyo 12.
Ayon kay Police Major Loreto Tigno, Chief of Investigation ng Pasig City Police Station, target ng operasyon ang suspek na umano’y sangkot sa pagbebenta ng mga hindi lisensiyadong armas. Nagtungo sa lugar ang isang undercover operative na nagpanggap na buyer at nakipagkasundo sa suspek sa halagang P21,000 kapalit ng isang kalibreng .45 na baril.
“Ang nangyari po, nakuha niya ‘yung buy-bust money pero wala po siyang intensyong ibigay ang baril,” pahayag ni Major Tigno. “Imbes na ibigay, pinutok po niya ito sa pulis natin. Buti na lang at nakatakbo ang operatiba. Nakaganti naman agad ng putok ang back-up kaya siya ay nabaril.”
Nagresulta ito sa agarang pagkamatay ng suspek sa lugar ng insidente. Ayon sa mga residente, sunod-sunod na putok ng baril ang narinig at agad silang pinapasok ng mga pulis sa kanilang bahay para sa kanilang kaligtasan. “Akala po namin paputok, ‘yun pala barilan na,” ayon sa isang saksi.
Lumitaw sa imbestigasyon na ilang oras bago ang buy-bust, sangkot ang suspek sa isang robbery incident kung saan siya at ang isang kasabwat (na kasalukuyang pinaghahanap) ay nag-order ng dalawang cellphone online na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P81,000. Nang magkita ang seller at buyer, agad na tinutukan ng baril ang biktima at tinangay ang mga gamit.
Kinilala ng biktima ang napatay na suspek bilang isa sa mga nangholdap sa kanya.
Bukod sa robbery, iniuugnay rin ang suspek sa carnapping at umano’y pagkakasangkot sa mga gun-for-hire activities. Narekober sa crime scene ang dalawang baril at isang granada, na lalong nagpapatibay sa alegasyon ng pagiging armadong kriminal.
Tiniyak ng Pasig City Police na patuloy ang operasyon upang maaresto ang kasabwat sa nakaraang robbery na positibo nang nakilala.
Nagpahayag ang mga awtoridad na ang insidente ay patunay ng tuloy-tuloy na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na armas at mga organisadong krimen sa lungsod, upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
“Hindi titigil ang ating hanay hangga’t hindi natin nabubuwag ang mga grupong nagpapakalat ng ilegal na armas at sumisira sa kapayapaan ng ating komunidad,” ani Major Tigno.
