
PASIG CITY – Tiniyak ng Eastern Police District (EPD) ang kahandaan nito para sa pagbubukas ng klase sa ilalim ng Oplan Balik Eskwela 2025 na opisyal na magsisimula sa Hunyo 16.
Sa pangunguna ni PBGen. Aden Lagradante, District Director ng EPD, higit 535 tauhan ang ide-deploy sa mga lungsod ng Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan upang tiyakin ang kaligtasan, kaayusan, at agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral, magulang, at guro.
Kabilang sa mga pangunahing tututukan ng EPD ang seguridad sa mga school zone, pagsasaayos ng trapiko, at pagbabantay sa paligid ng mga paaralan. Magkakaroon din ng Police Assistance Desks sa mga pangunahing eskuwelahan para sa mabilisang tugon sa anumang insidente.
Ayon kay PBGen. Lagradante, “Ang misyon ng EPD ay matiyak ang isang ligtas at maayos na pagbabalik-eskwela para sa lahat ng estudyante at mga stakeholder. Patuloy naming paiigtingin ang presensya ng pulis at mabilis na pagresponde sa unang linggo ng klase at sa mga susunod pa.”
Nakikipag-ugnayan na rin ang EPD sa mga lokal na pamahalaan, barangay officials, at mga administrador ng paaralan para sa mas malawak na seguridad.
Hinimok ng EPD ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa 911 upang masunod ang kautusan ni PGen. Nicolas Torre III, Chief, PNP na makaresponde ang mga awtoridad sa loob lamang ng limang minuto. Sa tulong ng koordinado at masinsinang paghahanda, layunin ng EPD na maging ligtas, mapayapa, at walang aberya ang pagsisimula ng panibagong taon ng pag-aaral.
More Stories
SMB, Ginebra, at ROS Nag-aagawan ng Pwesto; Converge Nakapila na Lang
₱110-M Halaga ng Delikadong Baterya, Sinira ng DTI
Green Energy Auction-4: Bid Registration Sisimulan sa Hunyo 16