June 7, 2025

Mahigit 2M Pinoy, Jobless nitong Abril 2025 — PSA

MANILA — Sumirit na naman ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa! Ayon sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa 2.06 milyong Filipino ang walang trabaho o kabuhayan nitong Abril 2025.

Sa presscon nitong Biyernes, mismong si PSA National Statistician Claire Dennis Mapa ang nagsabi — dumami ang gustong magtrabaho, pero konti lang ang natanggap.

“Tumaas ang labor force, pero hindi lahat na-absorb ng merkado,” ani Mapa.

Bagamat tumaas ang bilang ng may trabaho sa 48.67 milyon, umakyat rin ang bilang ng underemployed o mga manggagawang kulang sa kita — nasa 7.09 milyon na sila.

Ibig sabihin, kahit may trabaho, kapos pa rin ang kita.

Ang sektor ng Serbisyo pa rin ang pinakamalakas — may 61.9% ng kabuuang may trabaho. Sumunod ang Agrikultura at Industriya.

Malalaking dagdag-trabaho ang naitala sa:

  • Support services (+394K)
  • Gobiyerno at Depensa (+262K)
  • Pagsasaka at kagubatan (+260K)
  • Construction (+121K)
  • Edukasyon (+66K)

Pero sablay ang mga sumusunod:

  • Manufacturing (-410K)
  • Food at Accommodations (-141K)
  • Retail at Motor Repair (-57K)

Sabi ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), may plano sila — ang Trabaho Para sa Bayan Plan 2025-2034. Target nito na:

  • Palakasin ang training sa Senior High School
  • Magbigay ng internships at skills training
  • Palaguin ang mga industriya gaya ng electronics at manufacturing

Giit ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, kahit tumaas ang unemployment, matatag pa rin ang merkado ng trabaho.

“May mga bagong oportunidad. Lumalawak ang sektor. Hindi tayo sumusuko,” ani Laguesma.