April 29, 2025

Nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas Party-list, Pinagbabaril sa Sampaloc—Patay

Maynila, Abril 28 — Brutal na binawian ng buhay si dating barangay chairman at nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas Party-list na si Leninsky Bacud matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Sampaloc, Maynila, nitong Lunes ng hapon.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang pamamaril bandang alas-6:00 ng gabi sa kahabaan ng P. Guevarra Street, Barangay 435, Zone 44. Nakapuwesto umano si Bacud kasama ang ilang indibidwal nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki sakay ng motorsiklo.

Bumaba ang backrider at sunod-sunod na pinaputukan si Bacud sa malapitan. Ayon sa mga saksi, nagmakaawa pa ang biktima para sa kanyang buhay ngunit hindi ito pinakinggan ng gunman at patuloy sa pamamaril.

Agad isinugod si Bacud sa kalapit na ospital ngunit idineklarang patay makalipas ang ilang sandali.

Isang pulis na residente sa lugar ang umano’y nakasalubong ng mga tumatakas na suspek. Ilang sasakyang nakaparada ang tinamaan ng ligaw na bala sa insidente.

Nagbuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang mga awtoridad upang tutukan ang kaso at tukuyin ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.

Patuloy ang imbestigasyon at nananawagan ang pulisya sa mga posibleng testigo na lumutang upang makatulong sa mabilis na pagresolba ng krimen. (AIDA TAGUICANA)