April 29, 2025

Joric Gacula, Nagkakaisang Taytay Nagbigay-Pugay sa mga Madre ng St. Paul of Chartres

TAYTAY, RIZAL — Ipinahayag ng tumatakbong alkalde ng Taytay at dating Mayor na si Joric Gacula ang kanyang taos-pusong pasasalamat at pagpupugay sa mga Sisters of St. Paul of Chartres sa kanilang Vigil House sa Barangay Dolores.

Sa isang makabuluhang pagbisita, kasama si Gacula ng mga miyembro ng kilusang #NagkakaisangTaytay, kung saan sila’y inimbitahan upang makinig, makapagbahagi, at tumanggap ng taimtim na panalangin at pagpapala mula sa mga madre.

Ayon kay Gacula, isang malaking karangalan ang makadaupang-palad ang mga madre na matagal nang nagsisilbi sa espiritwal na pangangailangan ng Taytay. “Lubos po ang aming pasasalamat sa inyong bukas na puso at patuloy na panalangin. Ang inyong gabay ay mahalagang sandigan ng aming paglilingkod,” aniya.

Ang pagbisita ay bahagi ng patuloy na inisyatibo ni Gacula na makipag-ugnayan at tumanggap ng paggabay mula sa mga institusyong panrelihiyon habang pinapaigting ang pagkakaisa at pananampalataya sa Taytay.