April 22, 2025

“TINAPAYAN, BINAHIRAN NG DUGO! 7 PATAY SA ANTIPOLO MASAKER”

ANTIPOLO CITY – Niyanig ng malagim na tagpo ang Barangay Cupang, Antipolo matapos matagpuan ang bangkay ng pitong panadero na palahaw na duguan at nakabulagta sa loob ng J&B Malunggay Bakery nitong Martes ng umaga, Abril 22.

Kinilala ang salarin na si alyas “Robert”, umano’y co-owner ng panaderya, na sumuko sa mga awtoridad matapos isagawa ang karumal-dumal na krimen gamit ang balisong at kutsilyo.

Ayon sa imbestigasyon, pinatay ni Robert ang ilaw sa loob ng panaderya habang mahimbing na natutulog ang kanyang mga kasamahan. Isa-isa niya itong pinagsasaksak hanggang sa maligo sa sarili nilang dugo ang mga biktima.

Pahayag ng suspek, narinig daw niyang pinag-uusapan siyang patayin ng mga kasamahan—balak umanong takpan siya ng unan habang natutulog at palabasing namatay sa bangungot para maagaw ng isa sa kanila ang negosyo.

“Inunahan ko na sila,” ani Robert sa harap ng media.

Matapos ang krimen, agad siyang sumuko sa pulisya at ngayo’y nakakulong na sa Antipolo City Holding and Detention Facility. Sasampahan siya ng kasong Multiple Murder na walang piyansang inirerekomenda.

Patuloy pa rin ang malalimang imbestigasyon sa kaso para tukuyin kung totoo ang motibo ng salarin o isa lamang itong baluktot na dahilan para sa madugong krimen.

(Ulat nina KOI HIPOLITO at ERICHH ABRENICA)