
CALAUAG, QUEZON — Patay ang isang driver at ang hindi pa nakikilalang lalaking pasahero nito matapos bumangga ang kanilang sasakyan sa kasalubong na pampasaherong bus pasado alas-4 ng hapon noong Sabado, Abril 19, 2025, sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Madlandungan.
Kinilala ang driver na si Shanon James Bon Buckley, 34 anyos, residente ng Lubeca House, Macabulos, Makati City. Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng kanyang pasahero.
Ayon sa imbestigasyon ng Calauag Municipal Police Station, tinangka umanong mag-overtake ng Toyota Vios (plakang DBO 7650) na sinasakyan ng mga biktima sa sinusundang sasakyan habang patungo sa southbound lane. Sa kasamaang palad, nasapol nito ang northbound na DLTB Transit bus (plakang ACC 8597), na minamaneho ng isang Boyet Requioma, 44 anyos, tubong Brgy. Caraye, Javier, Leyte.
Nagresulta ito sa matinding head-on collision na agad ikinasawi ng dalawang sakay ng kotse.
Narekober din ng mga awtoridad mula sa loob ng Toyota Vios ang isang caliber 9mm pistol, dalawang cellphone, walong (8) piraso ng pasaporte, at P9,120 na cash.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang buong detalye ng insidente at pagkakakilanlan ng nasawing pasahero. (KOI HIPOLITO / ERICHH ABRENICA)
More Stories
IMEE MARCOS: PRESYO NG BILIHIN, TULONG SA SOLO PARENTS, SENIOR AT PWD, PRAYORIDAD SA SUSUNOD NA TERMINO
IMEE SA LUMABAS NA LARAWAN: ‘WALANG PERSONAL NA KONEK!’
TRIKE BUMANGGA SA POSTE: BABAE PATAY, 8 SUGATAN KABILANG ANG SANGGOL