March 22, 2025

Delivery rider na holdaper, arestado

SA kulungan ang bagsak ng 39-anyos na courier ng isang delivery platform nang holdapin ang sangay ng isang malaking remittance center sa Navotas City.

Dakong alas-2 ng madaling araw nang makorner ng tumutugis na mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Mario Cortes ang suspek na si alyas “James”, habang nagdedeliver pa ng parcel sa bahagi ng Caloocan City.

Ani Col. Cortes, suot pa ng suspek ang orange Lalamove jacket, puting goggles, at itim na helmet na gamit din niya nang holdapin ang sangay ng LBC Express sa M Naval St. Sipac, Almacen, alas-12:58 ng hapon nang masukol ng kanyang mga tauhan.

Kaagad namang nakapagsumbong sa pulisya si alyas “Lynne”, 41, kawani ng LBC, matapos pasukin ng suspek ang kanilang establisimiento, nanutok ng baril, at inutusan ang kahera na ilagay ang salapi na umaabot sa P20,000 sa dala niyang plastic na supot bago mabilis na tumakas.

Kitang-kita naman sa kuha ng CCTV ng remittance center ang mga pangyayari, pati na ang pagtakas ng suspek patungo C4-Road, kaya kaagad nirebisa ng mga pulis ang mga kuha ng surveillance camera at nangalap ng mga testigo na dahilan upang matunton nila ang holdaper sa Lungsod ng Caloocan.

Bigo namang makuha ng mga pulis ang baril ng suspek nang maaresto habang sakay ng motorsiklong gamit sa panghoholdap, pati na ang kabuuang salapi na tinangay dahil umabot na lang sa P9,000 ang nabawi sa kanya.

Inamin naman umano ng suspek ang bintang at ikinatuwiran na nagipit lang umano siya kaya niya nagawa ang panghoholdap subalit nang isailalim na sa pagsisiyasat, minabuti niyang gamitim ang karapatang manahimik.