March 18, 2025

DSWD namudmod ng libreng cellphone sa 4Ps beneficiaries

Sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Lunes, Marso 17, 2025, ang pamamahagi ng mga mobile phone sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang bahagi ng kanilang inisyatiba na mapahusay ang digital financial literacy sa mga pamilyang may mababang kita.

Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang seremonya ng pamamahagi ng mahigit 50 mobile phone sa mga piling 4Ps beneficiaries mula sa Navotas at Malabon City sa Navotas Sports Complex.

Layunin ng programang ito na gawing mas madali at mas ligtas para sa mga miyembro ng 4Ps ang paglipat mula sa tradisyunal na cash transactions patungo sa digital financial platforms.

“This distribution of mobile phones is part of our larger goal of equipping 4Ps beneficiaries with the tools needed to navigate digital financial systems,” ayon kay 4Ps National Program Manager Director Gemma Gabuya.

“By integrating financial education and digital access, we empower them to manage their resources more effectively and access more opportunities in the financial system.”

Dumalo rin sa pamamahagi ang ilang pangunahing opisyal, kabilang sina GLOBE Telecom Deputy Chief Executive Officer Carl Cruz, G-Xchange President and CEO Oscar Enrico Reyes Jr., DSWD Conditional Cash Transfer Undersecretary Vilma Cabrera, Conditional Cash Transfer Assistant Secretary Marites Maristela, at Navotas City Mayor John Reynald Tiangco.

Ayon kay Director Gabuya, binibigyan ng prayoridad ang mga 4Ps households na nasa survival level at may interes na lumipat mula sa cash card withdrawals patungo sa digital platforms tulad ng e-wallets.

Ang pamamahagi ng mobile phone ay bahagi ng isang mas malaking inisyatiba na naglalayong mabigyan ng mga device ang 32,684 4Ps households sa buong bansa, lalo na sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).

Ang programa ay isang kooperasyon sa pagitan ng DSWD at mga pribadong sektor, kabilang ang G-Xchange Inc. (GCash), Globe Telecom, BPI Foundation, at Ayala Foundation.

Nangako ang mga organisasyong ito na susuportahan ang proyekto sa pamamagitan ng pagbibigay ng digital infrastructure at financial education upang matiyak na ma-maximize ng 4Ps beneficiaries ang mga benepisyo ng digital financial services.

Ang Mobile Phone Distribution initiative ay isang pagpapalawak ng 4Ps’ Digital Financial Inclusion Initiative, na unang inilunsad ni Secretary Gatchalian noong Disyembre 2023.

Ipinapakita ng proyektong ito ang pagtutok ng gobyerno sa financial inclusivity, upang matiyak na ang mga mahihirap na pamilya ay makalahok sa lumalawak na digital economy ng bansa.