November 23, 2024

MEDICAL MARIJUANA LUSOT SA KAMARA (Sa botong 117/9)

TULUYAN nang nakalusot sa Kamara de Representantes ang panukalang magbibigay-daan sa legalisasyon ng marijuana bilang gamot sa Pilipinas.

Sa botong 117 pabor, 9 kontra at 9 na dedma, tuluyang napagtibay sa ikatlo at huling pagdinig ang panukalang House Bill 10439 na mas kilala sa tawag na Medical Cannabis Bill.

Sa ilalim ng naturang panukala, pinahihintulutan ang paggamit ng marijuana sa kondisyong gagamitin lamang bilang panlunas sa mga malubhang karamdaman ang ang marijuana.

Bahagi ng probisyon sa naturang panukala ang pagtatayo ng Medical Cannabis Office (MCO) na siyang maglalatag ng regulasyon kaugnay ng pag-angkat, pagtatanim, paggawa, pagtatago, distribusyon, at pagbebenta ng medical cannabis ng mga “authorized” hospital, klinika, drug store,  dispensaries, at iba pang health facility.

Pasok din sa tungkulin ng MCO salain ang mga doktor na papayagan magreseta ng marijuana.