November 19, 2024

PAGLIKHA NG 1 MILYONG FACE MASK PARA SA MANILEÑO, SINIMULAN NA

Sinusukat ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang facemask na ginawa ng mananahi na pinagkalooban ng hanap buhay ng Manila City Government para gumawa ng isang milyong facemask na libreng ihahandog sa mga pamilya at residente ng Maynila. (JHUN MABANAG)

SINIMULAN na ang pananahi ng 1 milyong facemask na ipamamahagi ng pamahalaang lungsod ng Maynila ng libre para sa lahat ng residente.

Personal na ininspeksyon ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang third floor ng classroom ng Unibersidad De Manila (UDM) kung saan nagsimula nang gumawa ng facemask ang unang batch nang mga mananahi na nag-aplay.

Ayon kay Fernan Bermejo, Public Employment Service Office (PESO), target nila na makalikha ng 1 milyon na facemask para ipamahagi sa 670,000 pamilya sa Maynila.

Bawat isang pamilya ay isang face mask ang kanilang matatanggap na maaring muling gamitin ng mga nangangailangan.

Umabot sa 40 na mananahi at 10 cutter ang tinanggap nila para makapagtrabaho. Babayaran sila ng P4 sa bawat piraso ng mask na kanilang magagawa.

Ayon naman kay Domagoso, layunin ng nasabing programa na makapagbigay ng pagkakakitaan sa mga residente ng Maynila na naapektuhan ang kabuhayan lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan kasabay naman nito ang paglaban sa sakit na COVID-19.


It doesn’t matter kung mabagal ka manahi basta’t marunong ka, para magkaroon ka ng oportunidad na kumita.” ani Domagoso sa mga nais mag-aplay na mananahi.

Kuha ni Jhun Mabanag

Ayon sa alkalde, bukod sa livelihood program na pananahi ng facemask ay mayroon din na pagkakataong kumita ang mga traysikel, pedicab, at ilan pa na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya makaraang makipagkasundo ang Grab Philippines sa pamahalaang lungsod kung saan kumuha sila ng may 2,000 aplikante na nais maging parte ng kanilang kompanya.

Tiniyak naman ni Domagoso na hangga’t may pandemya na nakakaapekto sa pamumuhay ng Manilenyo ay hindi titigil ang pamahalaang lungsod na maglikha ng programa o proyekto na mapapakinabangan at magkakaroon ng oportunidad ang mga ito na kumite at makapaghanapbuhay para sa kanilang mahal sa buhay. ARNOLD PAJARON JR