November 18, 2024

3 drug suspects tiklo sa P200K shabu sa Malabon

SWAK sa kulungan ang tatlong bagong identified drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan ang naarestong mga suspek na sina Raymond Sabado alyas “Emong”, 23, fish vendor ng Brgy. Longos, Reydan Velasco alyas “Kwatog”, 45, construction worker ng Dagat-Dagtan, Brgy. 14 at Jhonatan Balote alyas “Tantan”, 27, shuttle van driver ng Salmon St., Brgy. 8, kapwa ng Caloocan City.

Sa report ni Col. Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Rizalito Gapas, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon hinggil sa illegal drug activities ni Sabado at Velasco kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

Nang positibo ang ulat, agad nagsagawa ang SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt Jonas Gato ng buy bust operation sa Dr. P. Lascano St. corner P. Aquino St., Brgy. Tugatog na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos magsabwatan na bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer, dakong alas-5:30 ng madaling araw.

Kasama ring dinakip ng mga operatiba si Balote nang makuhanan ng isang plastic sachet ng shabu kung saan umabot sa humigi’t kumulang 29.55 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P200,940.00 ang nakumpiska sa mga suspek at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.