Suportado ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang pagbuwag ng party-list system kung darating ang panahon na amyendahan na ang political provision ng Saligang Batas sa pamamagitan ng constitutional convention.
Nais din ni Padilla, na chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, na palakasin ang party system para tigilan na ang kalakarang pagboto sa kandidatong “sikat” o mayaman.
“Kung mapupunta tayo sa Concon, yan dapat una nating gibain. Dahil ang party list system ay, my goodness gracious, di ko na makita, mula magdesisyon ang ating Korte Suprema na payagan na pati mga mayayaman, nawala na po ng anghang at sustansya. E dapat po yan e mga sektor na di naririnig. E ngayon ewan ko, sa totoo lang po,” aniya sa panayam sa DZBB.
“Ang kinatawan (sa sistemang ito), naging katawa-tawa,” dagdag niya.
Iginiit din ni Padilla ang pagpapalakas ng party system para ang pagboto ng mga kandidato ay ibabase sa adbokasiya ng partido at hindi sa dahilan na sikat o mayaman ang isang kandidato.
“Sa totoo lang, kung gusto natin mabago talaga ang pulitika sa Pilipinas, palakasin natin ang party system. Tigilan na po natin ang kaboboto dahil sikat at dahil ito may pera. Alam nyo kung nabago natin ang Constitution at mapalakas natin ang partido ang iboboto nyo na po ang adhikain ng partido, di na yung sikat,” iginiit niya.
Ayon kay Padilla, hindi siya kontra sa pag-amyenda ng political provision ng Saligang Batas sa pamamagitan ng constitutional convention, bagama’t nanindigan siya na kailangang unahin ang pag-amyenda ng economic provision sa pamamagitan ng constituent assembly.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA