November 1, 2024

Indian national binaril ng naka-motor sa Navotas

NASA malubhang kalagayan ang isang Indian national matapos dalawang beses na barilin ng hindi kilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan ang biktima na kinilala bilang Kumar Sandeer, 35 ng 4239 Diam St., Hen T. Deleon Valenzuela City.

Ipinag-utos naman ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging sa kanyang mga tauhan ang follow-up investigation para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.

Sa pahayag ng saksing si John Andrei Arag, 35, pedicab driver kina Navotas police investigators PSSg Reysie Peñaranda at PCpl Billy Godfrey Aparicio, sakay siya sa kanyang pedicab habang nasa kanyang unahan ang dalawang motorsiklo sa stop light sa Lapu-Lapu corner Dalagang Bukid, Navotas City dakong alas-9:50 ng umaga.

Nakita ng saksi na bigla na lamang bumunot ng hindi matukoy na uri ng baril ang suspek at dalawang ulit na pinaputukan ang biktima na bumagsak mula sa kanyang motorsiklo.

Sa kabila ng tinamong tama ng bala, nagawang makatayo ng biktima at agad sumakay sa kanyang motorsiklo saka minaneho patungong C4 Road at isinugod ang kanyang sarili sa nasabing pagamutan habang mabilis namang tumakas ang suspek patungong C3 Road.