November 23, 2024

PAMILYA NI PERCY LAPID, MAY DEATH THREAT

NAKATANGGAP ng mga death threat ang pamilya ng pinaslang na radio commentator na si Percival Mabasa o Percy Lapid.

Ito ang ibinunyag ng kapatid ni Percy na si Roy Mabasa sa kanyang Facebook post nang simulan ng Department of Justice ang preliminary investigation kaugnay sa murder complaint na inihain laban sa apat na katao na napaulat na sangkot sa pamamaslang.

“Ang pamilya po ni Ka Percy ay buong-pusong nagpapasalamat sa lahat ng kanyang masugid na tagapakinig at tagasubaybay sa buong mundo na walang sawa sa pagpapadala ng kanilang mensahe ng suporta sa panahong ito,” ayon kay Roy.

“Ito ay sa kabila nang naglipanang mga siraulo na nagpapahatid naman ng kung ano-anong uri ng pananakot sa pagtatangkang wasakin ang aming determinasyon na papanagutin ang mga nasa likod ng pagpatay kay Ka Percy,” punto pa niya.

Bukod sa mga banta, sinabi rin ni Roy na mayroong mga extortionist at mapagsamantala na gusto pang pagkakitaan ang mga namatayan sa kung ano-anong paraan. “Sa gitna ng maraming pagsubok, tuloy lang po ang laban,” pamilya ni Roy.