November 20, 2024

BOC, DHL WAREHOUSE OPERATOR HANDA NA SA PAGDAGSA NG PACKAGES NGAYONG ‘BER’ MONTHS

NAKIPAGPULONG  ang Bureau of Customs – Port of Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) sa kanilang partner na Customs Facility and Warehouse (CFW) Operators upang paghandaan ang pagdagsa ng inbounds parcels/packages ngayong papalapit na ang holiday season.

Noong Setyembre 13, humarap si BOC-NAIA District Collector Carmelita M. Talusan sa mga opisyales ng DHL upang pagpulungan ang mga kaayusan para sa mabilis na pagpapalabas ng malaking volume ng maliliit na parcels ngayong ‘ber’ months.

Aniya, handa na ang BOC-Port of NAIA at nagsagawa na ng mga proactive na hakbang upang matugunan ang mga inaasahang isyu at alalahanin.

Kabilang sa mga ito ay ang pagpapatupad ng extended working hours, 24/7 X-ray examinations, regular na K9 sweeping, at mga pinabilis na clearance para maiwasan ang pagkaantala.

Samantala, tiniyak ng DHL na pinag-aaralan nila ang kanilang roster para magdagdag pa sila ng mga tauhan kung kinakailangan kung saan nangako rin ito na patuloy na makikipag-ugnayan sa BOC NAIA para sa maagap at agarang pagproseso at pagpapalabas ng mga importasyon ng regalo mula sa ibang bansa.

Dumalo rin sa pagpupulong noong Setyembre 13 si DHL Express Philippines country manager Nigel Lockett, head of operations Promod George, Customs Clearance manager Cecilia Paras, at iba pang BOC NAIA chiefs.