November 1, 2024

Mekaniko nadakma sa baril at shabu sa Comelec checkpoint sa Valenzuela

Arestado nina PCpl Reymon Evangelista at PCpl Peter Harold Datiles si Eduard Santos alyas “Tata”, 41, matapos makuhanan ng baril at shabu makaraang tangkain takasan ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 3 sa pamumuno ni SS3 commander P/Major Tessie na nagsasagawa ng COMELEC checkpoint sa kahabaan ng R. Valenzuela St., harap ng Valenzuela National High School, Brgy., Marulas, Valenzuela City nang parahin dahil walang suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo. (RIC ROLDAN)

Swak sa kulungan isang motor mechanic matapos makuhanan ng baril at shabu makaraang tangkain takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng Comelec checkpoint nang parahin dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo sa Valenzuela City, Martes ng umaga.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, ang naarestong suspek na si Eduard Santos alyas “Tata”, 41 ng 59 F Pio Valenzuela St., Brgy., Marulas.

 Batay sa imbestigasyon ni PCpl Glenn De Chavez, dakong alas-11:50 ng umaga, nagsasagawa ng COMELEC checkpoint sa kahabaan ng R. Valenzuela St., harap ng Valenzuela National High School, Brgy., Marulas ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 3 sa pamumuno ni SS3 commander P/Major Tessie Lleva nang parahin nila ang suspek dahil walang suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo.

Sa halip na makinig, pinaharurot ng suspek ang kanyang minamanehong motorsiklo na naging dahilan upang habulin siya nina PCpl Reymon Evangelista at PCpl Peter Harold Datiles hanggang sa makorner kaya inaresto siya dahil sa paglabag sa Art 151 of RPC.

Sa isinagawang verification, nadiskubre ng pulisya na wala ring driver’s license ang suspek maging ang certificate of registration at official receipt ng minamanehong motorsiklo.

Narekober din sa suspek ang isang itim na sling bag na naglalaman ng dalawang transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na nasa P3,400 ang halaga, isang cal. 38 revolver na kardago ng apat na bala at cellphone.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165, Art 151 of RPC (Resistance and Disobedience), RA 10054 (Motorcycle Helmet Law of 2009), Sec. 15 & 19 of RA 4136 (Failure to Carry OR/CR and Driver’s License) at RA 10591 in relation to COMELEC resolution No. 10728. (JUVY LUCERO)