September 20, 2024

MISTER TINARAKAN SA DIBDIB NG GINANG (Nakisawsaw sa away)

Nasa malubhang kalagayan ang isang mister matapos saksakin sa dibdib ng babaeng live-n partner ng lalaking nakikipagtalo sa kanyang kaibigan sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa kanang dibdib ang biktimang si Leonardo Tiangco Jr, 40, mangingisda ng No. 15B Panatihan 2, Naval Street, Brgy. Flores.

Kinilala naman ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang suspek na si Rosario Dela Cruz Aragon, 40 ng No. 18A Pantihan 2, Brgy. Flores.

Sa imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Mardelio Osting, habang naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Pantihan Street pauwi dakong alas-11:35 ng gabi nang makita nito ang kanyang kaibigan na nakikipag-away sa live-in partner ng suspek.

Dito, nakisawsaw umano ang biktima na naging dahilan upang magalit ang suspek at kumuha ng isang matulis na metal na bagay saka tinarakan sa kanang dibdib si Tiangco.

Nang malaman ng mga tauhan ng SS7 ang insidente ay mabilis silang rumesponde sa lugar, kasama ang mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek habang isinugod naman nila ang biktima sa naturang pagamutan.