September 21, 2024

#NASAAN ANG PANGULO? DUTERTE NAG-JOGGING, NAG-MOTOR

Matapos mag-trending ang #NasaanAngPangulo, nag-jogging si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang Park kagabi para ipakita sa taongbayan na maayos ang lagay ng kanyang kalusugan.

Sa Facebook post ni Sen. Bong Go, makikita sa video na tumatakbo si Pangulong Duterte sa Malacañang Park.

Makikita sa mga larawan at video na nakasuot ang Pangulo ng facemask at face shield habang tumatakbo at sumakay pa ng motorsiklo.

Nanawagan si Sen. Go sa publiko na suportahan si Pangulong Duterte dahil malungkot at mahirap ang maging Pangulo ng bansa lalo na sa panahon ng pandemya sa COVID-19.

“Mga kababayan ko, malungkot at mahirap ang maging Pangulo sa panahong ito. Suportahan natin si Tatay Digong, ang taong totoong nagmamahal sa ating kapwa Filipino,” ani Sen. Go.

Magugunitang hinahanap ng taongbayan si Pangulong Duterte matapos makansela ang nakatakdang “Talk to the People” noong Lunes at Miyerkules.

Pero inihayag ni Sen. Go na walang dapat na ipag-alala ang taongbayan dahil malakas at maayos ang lagay ng kalusugan ni Pangulong Duterte.