September 21, 2024

3 SUSPEK NAGTURUAN SA KRIMEN DALAGITA NI-RAPE BAGO PINATAY

NAGING kalunos-lunos ang sinapit ng isang 17-anyos na dalagita matapos gahasain bago patayin sa Mexico, Pampanga.

Kinilala ang biktima na si Sandra Culcul, residenteng Barangay Pandacqui.

Nakita ang bangkay ng biktima sa bakanteng lote sa Royal Meadows sa Barangay Tangle noong Marso 3.

Nagtamo siya ng sugat sa ulo at iba pang bahagi ng kanyang katawan. Natagpuang wala pang-ibabang saplot at nakataas hanggang dibdib ang pang-itaas na damit ang biktima.

Batay sa Facebook post ng isang kaanak ng biktima, nawala si Sandra noong Marso 1 matapos umanong umalis ng bahay dala ang “kolong-kolong” na sasakyan para bumili ng karton. Hindi na ito nakauwi.

Tatlong lalaki naman ang kasalukuyang nasa kostudya ng pulisya at iniimbestigahan.

Sa report ng CLTV News na ipinoste sa FB, kabilang sa mga suspek sina Alex De Guia Aldea, Ariel Pamintuan at Edgar Torres. Magkakasalungat ang testimonya ng tatlo.

Ikinanta ni Aldea na sina Pamintuan at Torres umano ang pumatay at gumahasa sa biktima na itinatanggi naman ng dalawa. Sinabi pa nitong kusa siyang sumuko at nagsalita sa pulisya tungkol sa kanyang nalalaman dahil nakapronta siya sa CCTV kung saan isa siya sa huling nakausap ng biktima nang araw na mawala ito.

Sinabi naman ng ama ng dalagita na “Kuya” ang tawag nito sa suspek na si Pamintuan at malaki umano ang respeto ng kanyang anak dito. Hindi naman umano nito kilala sina Aldea at Torres.

Sa isang hiwalay na video na naka-share sa Facebook account ng isang kaanak ng biktima, si Pamintuan naman ang nagsasalita at sinabi nitong patay na si Sandra nang gahasan ito ng dalawa niyang kasamahan.

Hindi pa naman kinukumpirma ng pulisya kung ginahasa nga ang dalagita dahil hinihintay pa umano ang resulta ng awtopsiya.

Ang dalagita ay naihatid na sa huling hantungan nitong Marso 8.