June 2, 2025

8 GRUPO NG MANGGAGAWA, HUMIRIT NG P555 DAGDAG-SAHOD SA NCR

MANILA — Umabot sa walong grupo ng mga manggagawa ang sabay-sabay na naghain ng petisyon para sa dagdag-sahod na P555 sa National Capital Region (NCR), ayon sa anunsyong inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-NCR).

Isinampa ng mga sumusunod na unyon ang kanilang petisyon noong Mayo 22:

  • Vanson Paper Industrial Workers Union
  • Samahang Manggagawa sa Philippine Span Asia Carrier Corp.
  • Samahang Manggagawa ng Jardine Schindler Elevator Corp.
  • Himlayang Pilipino Inc Labor Union
  • Kaisahang Manggagawa ng Himmel
  • Pambato Cargo Forwarder Labor Union
  • Nagkakaisang Samahan ng mga Manggagawa ng Regan
  • Universal Robina Corporation Employees Union-Farm Division

Itinakda ang pampublikong pagdinig hinggil sa mga petisyon sa Hunyo 17 sa Occupational Safety and Health Center sa Lungsod ng Quezon.

Ayon sa RTWPB-NCR, maaaring magsumite ng mga position paper mula Mayo 29 hanggang Hunyo 13, 2025, habang pinahihintulutan ding magsumite ng oposisyon laban sa petisyon sa parehong takdang petsa.

Matatandaang noong Hunyo 27, 2024, huling nagpalabas ng dagdag-sahod ang NCR wage board na nagkakahalaga ng P35, na epektibo noong Hulyo 17, 2024.

Sa kasalukuyan, ang minimum na arawang sahod sa NCR ay P645 para sa mga non-agricultural workers, habang P608 naman para sa mga nasa sektor ng agrikultura, maliliit na retail at service establishments na may 15 o mas kaunting empleyado, at mga manufacturing firm na may mas mababa sa 10 manggagawa.

Kasabay ng mga bagong petisyon, kinumpirma rin ng RTWPB-NCR na sinimulan na nila ang pagsusuri sa umiiral na minimum wage bilang paghahanda sa anibersaryo ng huling wage adjustment sa rehiyon.