Patay ang isang 53-anyos na Filipino tourist matapos mawalan ng malay habang nakasakay sa isang atraksyon sa Hong Kong Disneyland, iniulat ng Philippine Consulate General sa Hong Kong ngayong Sabado, Agosto 30.
Ayon sa konsulado, agad silang nakipag-ugnayan sa Lantau Police Headquarters at sa pamilya ng nasawi upang maiparating ang kanilang pakikiramay at matulungan sa proseso ng repatriation ng labi.
“Ang Consulate General, sa pamamagitan ng Assistance-to-Nationals Section, ay nakumpirma ang insidente at nakipag-ugnayan sa pamilya ng nasawi upang maiparating ang aming taos-pusong pakikiramay at suportahan sa proseso ng pag-uwi ng labi,” ayon sa pahayag.
Iniulat na ang insidente ay naganap sa atraksyon na Frozen Ever After, bandang 10 a.m. noong Biyernes.
Wala namang naitalang isyu sa kaligtasan ng ride.
Nabigyan ng medikal na atensyon ang turista ngunit idineklara siyang patay sa ospital bandang 11:30 a.m.
Ayon sa ulat, may pre-existing health conditions ang turista at nauwi sa coma habang nakasakay sa ride.
Tinawag ng kanyang asawa ang pansin ng mga staff nang mawalan siya ng malay.
Nagpatuloy ang konsulado sa pakikipag-coordinate sa lokal na awtoridad habang pinapangalagaan ang privacy ng pamilya sa panahong ito. LIMUEL TOLENTINO
