SWAK sa kulungan ang anim na katao kabilang ang tatlong drug suspects nang mahuli sa akto na nagsusugal sa magkahiwalay na luga sa Valenzuela City.
Base sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi nang maaktuhan ng mga tauhan ng Dalandanan Police Sub-Station 6 ang dalawang lalaki na nagsusugal ng cara y cruz sa D. Santiago St., Brgy., Malanday at nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Lito”, 46, welder.
Naaresto naman ng mga tauhan ng Karuhatan Police Sub-Station 9 ang dalawang kelot nang maaktuhan din na nagsusugal rin ng cara y cruz sa isang eskinita sa J.P Rizal St., Arty Subdivision, Brgy., Karuhatan dakong alas-8 ng gabi.
Nakumpiska sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nasamsam kay alyas “Tony”, 52.
Nagsasagawa naman ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 nang maaktuhan nila ang dalawang pasaway na sugarol na naglalaro ng cara y cruz sa Dulong Tangke Street alas-4:30 ng hapon.
Nasamsam sa kanila ang perang taya, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Dexter”, 34.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan pa na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin ng tatlong nahulihan ng droga. (JUVY LUCERO)
