Mula kaliwa pakanan: Mr. Fernando Sanchez Jr., 3rd Vice President ng UP Alumni Association; BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.; at Regent Robert Lester F. Aranton, Pangulo ng UP Alumni Association.
Ipinamalas ang tibay ng loob at kapangyarihan ng edukasyon matapos makapagtapos ang 57 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ng mga short course sa ilalim ng University of the Philippines Open University (UPOU), bilang bahagi ng Bureau of Corrections (BuCor) Workforce Development Program.
Sa mga nagtapos, 30 PDLs ang kumpletong nakapagsanay sa Digital Literacy at Principles of Graphic Design, habang 27 naman ang nakatapos ng kursong Introduction to Permaculture: The Ethics of Permaculture and Design Principles.
Pinuri ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang dedikasyon ng mga kalahok at iginiit ang mahalagang papel ng bukas at inklusibong edukasyon sa personal na pag-unlad at pagbubukas ng mga bagong oportunidad para sa mga PDL.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Catapang kina Atty. Angelo Jimenez, pangulo ng UP System; UPOU Chancellor Prof. Joanne V. Serrano; at sa UP Alumni Association sa pamumuno ni Regent Robert Lester Aranton, sa patuloy na pagsuporta upang maihatid ang de-kalidad na edukasyon sa loob ng mga pasilidad ng BuCor.
Ayon kay Catapang, ito ang kauna-unahang pagkakataon na bumisita ang mga matataas na opisyal ng UP sa BuCor, nakipag-ugnayan sa mga PDL, at hayagang sinuportahan ang programang pang-edukasyon para sa kanila.
“Ang inyong presensya rito ay nagpapatunay sa isang makapangyarihang katotohanan: ang edukasyon ay para sa lahat, at walang sinuman ang lampas sa abot ng pagkatuto,” ani Catapang.
Dagdag pa niya, patunay ang programa na kahit sa gitna ng hamon ng pagkakakulong, ang edukasyon ay maaaring magsilbing liwanag ng pag-asa at daan tungo sa matagumpay na reintegrasyon sa lipunan.
Sa pamamagitan ng isang tripartite Memorandum of Agreement sa pagitan ng BuCor, UPOU, at UP Alumni Association, hindi lamang kaalaman ang naibigay sa mga PDL kundi pati inspirasyon at kakayahang maghanda para sa mas maliwanag na kinabukasan. (Mina Paderna)
