Nagbitiw sa House of Representatives’ contingent ng Bicameral Conference Committee si Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo Sr. kaugnay ng panukalang P6.793-trilyong 2026 General Appropriations Bill (GAB), isang araw matapos maisampa laban sa kanya ang mga kasong plunder at graft sa Office of the Ombudsman.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Momo na ang kanyang “courtesy resignation” ay bunga ng malalim na pagninilay at paggalang sa mga institusyong demokratiko ng bansa.
“Ginabayan ng aking matibay na paniniwala at paggalang sa ating mga demokratikong institusyon, pormal kong inihain ang aking courtesy resignation bilang miyembro ng Bicameral Conference Committee na tumatalakay sa 2026 General Appropriations Bill,” ani Momo.
Ang pagbibitiw ng mambabatas ay dumating matapos magsampa ng reklamo ang isang grupo ng mga paring Katoliko at abogado mula sa Tandag, Surigao del Sur.
Ayon sa kanila, batay sa mga rekord ng gobyerno, tumanggap umano ng humigit-kumulang P1.4 bilyong halaga ng fuel at infrastructure contracts ang Surigao La Suerte Corp. (SLSC), isang kumpanyang pag-aari ng pamilya Momo, habang siya ay direktor ng kumpanya at kinatawan ng lalawigan.
Mariing itinanggi ni Momo ang mga alegasyon at iginiit na ang mga ito ay “walang basehan at may bahid ng pulitika.”
“Sa liwanag ng pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman—mga alegasyong mariin kong itinatanggi—minabuti kong umatras muna sa Bicameral Conference Committee bilang pagpapakita ng delicadeza at para sa integridad ng institusyon,” dagdag niya.
Nilinaw rin ng kongresista na ang kanyang pagbibitiw ay hindi pag-amin ng pagkakasala.
“Ito ay hindi admission of guilt kundi pagpapatibay sa mga pagpapahalagang dapat taglayin ng bawat lingkod-bayan—karangalan, integridad, pananagutan, at paggalang sa ating mga institusyon,” aniya.
Bagama’t umatras sa bicam, tiniyak ni Momo na mananatili siyang aktibo bilang miyembro ng Kamara at kinatawan ng Unang Distrito ng Surigao del Sur.
Hiniling din niya sa publiko na ipagkatiwala sa tamang forum ang paghusga sa kaso. “Ang malinaw na konsensiya ay hindi natatakot sa imbestigasyon,” sabi niya.
Nagtipon ang Bicameral Conference Committee noong Sabado ng hapon upang talakayin ang panukalang pambansang badyet para sa 2026. (Mina Paderna)
