Sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ang pamamahagi ng Pamaskong Handog 2025 para sa bawat pamilyang Mandaleño.
Pinangunahan mismo ni Mayor Menchie Abalos ang house-to-house distribution ng Pamaskong Handog, na inaasahang matatanggap ng halos 300,000 pamilya o humigit-kumulang 275,000 kabahayan sa lungsod.
Naglalaman ang bawat packages ng bigas, asukal, kape, de-latang pagkain, spaghetti at sauce, fruit cocktail, at all-purpose cream.
Ayon kay Abalos, hindi lamang mga may-ari ng bahay ang benepisyaryo ng programa kundi pati na rin ang mga umuupa ng tirahan sa Mandaluyong.
“Actually, kahit nakatira ka sa condo, kahit sa subdivisions, kahit sa eskinita o barangay, mayaman man o mahirap—lahat makakatanggap ng gift pack,” pahayag ng alkalde sa panayam sa mga mamamahayag.
“Makikita ninyo, kahit isang bahay lang, may dalawa o tatlong gift packs na ibinibigay namin,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag din ng alkalde na hindi matatapos sa loob ng isang araw ang pamamahagi ng mga gift pack dahil sa lawak ng lungsod at dami ng benepisyaryo.
“Hindi namin ito matatapos sa isang araw. Hindi kaya ng mga barangay na maihatid ito nang isang araw lang kaya umaabot minsan ng dalawa hanggang tatlong linggo ang house-to-house distribution,” paliwanag ni Abalos.
Binubuo ang Mandaluyong ng 27 barangay at may tinatayang populasyon na nasa 450,000.
Bukod sa pamaskong handog, namahagi rin ang pamahalaang lungsod ng emergency go bags sa bawat kabahayan. Ang mga bag ay naglalaman ng first aid kits at mga gamot na maaaring magamit sa oras ng sakuna o emergency.
“Hindi naman natin gustong mangyari ang sakuna, pero kailangan nating maging handa. Kaya bawat pamilya ay may go bag,” ani Abalos.
Dagdag pa niya, sa susunod na taon ay makatatanggap muli ang bawat pamilya ng karagdagang emergency go bag bilang bahagi ng patuloy na paghahanda ng lungsod sa anumang sakuna. (Arnold Pajaron Jr)
