Panibagong 300 persons deprived of liberty (PDL) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang inilipat kahapon sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa, Palawan bilang bahagi ng nagpapatuloy na programa ng Bureau of Corrections (BuCor) para ma-decongest ang Bilibid na inaasahang tuluyang isasara pagsapit ng 2028.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., mahalagang hakbang ang paglilipat na ito upang mabawasan ang siksikan sa NBP at mabigyan ng mas maayos na kundisyon ang mga PDL.
Bukod sa paglilipat, gagampanan din ng mga PDL ang mahalagang papel sa agricultural programs ng Iwahig, kung saan kasalukuyang pinauunlad ang ilang bahagi ng 28,000-ektaryang lupain bilang isang mega economic zone.
Paliwanag ni Catapang, makakatulong ito hindi lamang sa produksyon sa penal farm, kundi magbibigay din ng mahahalagang kasanayan sa mga bilanggo bilang paghahanda sa kanilang pagbabalik sa lipunan.
“Ang paglilipat ng mga PDL sa Iwahig ay hindi lang pansamantalang solusyon sa congestion. Isa rin itong pundasyong hakbang tungo sa mas makataong sistema kung saan makakapag-ambag ang mga inmate kahit habang sila’y nagsisilbi ng sentensya,” ani Catapang.
