Suspendido ng 90 araw ang lisensya ng isang rider matapos mag-viral sa social media ang ginawang “dancing show” nito habang nakatigil sa traffic.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO) sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) ni Secretary Vince Dizon, agad na ipinataw ang preventive suspension kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na habulin ang mga pasaway sa kalsada.
Sa video na nag-trending, makikitang nakatayo at sumasayaw ang rider mula Binondo, Maynila sa ibabaw ng motorsiklo habang nasa gitna ng trapiko at tanaw ng ibang motorista at pedestrian.
Ipinaliwanag ni LTO Chief, Atty. Vigor Mendoza II, na inisyuhan na ng show cause order ang rider at ang may-ari ng motorsiklo. Nilagdaan ito ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, kung saan pinapaliwanag sa sulat kung bakit hindi siya dapat mapatawan ng pinakamabigat na parusa—ang tuluyang pagbawi ng lisensya.
Nakatakda ang pagdinig sa Agosto 20 at inutusan si rider na isuko ang kanyang lisensya bago ang naturang petsa.
“Kapag hindi kayo sumipot o nagbigay ng nakasulat na paliwanag, ituturing ito bilang pag-waive ng inyong karapatan, at dedesisyunan ang kaso batay sa ebidensiyang hawak ng LTO,” nakasaad sa show cause order.
