Kalaboso ang isang maglive-in partner matapos silang madakip ng mga awtoridad kaugnay sa brutal na pagpatay sa dalawang babae na natagpuang tadtad ng bala sa gilid ng kalsada sa Brgy. Salaza, Palauig, Zambales.
Natiklo sina alyas “Jinky”, 30, at kinakasamang si “Benedict”, 34, sa Room 131 ng Sogo Hotel sa Bagong Barrio, Caloocan bandang alas-11:30 ng umaga nitong Sabado. Tinukoy ang kanilang kinaroroonan matapos ma-trace ng pulisya ang itim na Subaru SUV (NVO 573) na umano’y ginamit sa krimen, batay sa kuha ng CCTV.
Pinangunahan ang operasyon nina Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth at Zambales Provincial Director P/Col. Benjamin Ariola, habang personal na iprinisinta ang mga suspek kay NPD Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio.
Nasamsam sa mga suspek ang isang .38 revolver na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril.
Ayon kay Col. Ariola, sangkot umano ang kaso sa illegal drugs, dahil ang mga biktimang sina alyas “Khang-Khang”, 24, ng Masinloc, at alyas “Leng-Leng”, ay parehong umano’y asset ng pulisya. Nakarekober pa ang SOCO ng mga sachet na pinaglagyan ng shabu mula sa mga bangkay.
Dagdag pa rito, nakakuha ng limang basyo ng bala ng kalibre .45 sa pinangyarihan ng krimen, indikasyong posibleng may iba pang kasabwat ang maglive-in partner.
Nang magsalita ang isang 56-anyos na vendor, sinabi nitong nakarinig siya ng sunod-sunod na putok alas-3 ng madaling-araw kasunod ng mabilis na pagharurot ng sasakyang tumugma sa deskripsyon ng SUV ng mga suspek.
