Screenshot mula sa GMA News.
NAGDULOT ng matinding pagkabahala sa publiko ang isang viral video na kumalat sa social media hinggil sa pambubugbog ng tatlong lalaki sa apat na biktima, kabilang ang dalawang menor de edad, sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City na nangyari noong Setyembre 23, 2025.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alias “Dek” ng Barangay Arienda, Taytay, Rizal; alias “Jac” at alias “Rick”, parehong residente ng Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.
Ang mga biktima naman ay sina ERT (13-anyos), KMS (16-anyos), JNT (16-anyos), at Per, isang nasa hustong gulang at walang trabaho, pawang mga residente ng Pasig at Taytay.
Batay sa imbestigasyon, makikita sa video na marahas na sinaktan ng mga suspek ang mga biktimang walang kalaban-laban. Tinakot pa ang mga ito gamit ang isang toy gun.
Ayon sa ulat ng Women and Children Protection Desk (WCPD) sa pangunguna ni PCPT Mary Grace M. Pagtacunan, agad silang kumilos matapos kumalat ang video at nakipag-ugnayan sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) ng Pinagbuhatan upang matukoy ang mga sangkot.
Nitong Oktubre 15, personal na nagtungo sa istasyon ng pulisya ang mga biktima upang maghain ng pormal na reklamo.
Ibinahagi nilang nasa bahay umano sila ni “Roxy” nang biglang pumasok ang mga suspek, nagsisigaw, at walang dahilan na nanakit at nanakot gamit ang isang laruan na baril.
Kasunod nito, kusang-loob na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mga suspek para sa isang clarificatory interview.
Sa naturang panayam, inamin ni alias “Dek” na nagkaroon siya ng relasyon sa menor de edad na biktimang si @ERT.
Dagdag pa niya, nagalit siya matapos ang ilang beses hindi makipagkita sa kanya biktima kaya nagpasya na hanapin ito kasama ang kanyang mga kapatid sa fraternity na sina alias “Jac” at alias “Rick,” na parehong miyembro ng True Brown Style (TBS) fraternity.
Magkakasama nilang pinuntahan ang nasabing lugar kung saan nangyari ang pambubugbog.
Matapos ang pagsusuri sa mga ebidensiya at testimonya ng mga biktima, inhain ng pulisya ang mga reklamong Grave Threats, Physical Injuries, Acts of Lasciviousness, at Violation of R.A. 7610 (Child Abuse Law) laban sa tatlong suspek sa Office of the City Prosecutor ng Pasig City.
Upang tiyakin ang transparency ng imbestigasyon, pinangunahan ni PCOL Hendrix B. Mangaldan, hepe ng Pasig City Police, ang isang press conference nitong Oktubre 16, 2025, kasama ang mga miyembro ng media upang ilahad ang mga detalye ng kaso.
Mariing kinondena ng Pasig City Police Station ang anumang uri ng karahasan, lalo na laban sa mga kabataan, at tiniyak sa publiko na patuloy nitong isusulong ang hustisya at kapayapaan sa lungsod “nang walang kinikilingan at may buong katapatan sa batas.” (ARNOLD PAJARON JR)
