INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Antipolo Component City Police Station (CPS) ang isang insidente ng pang-aakyat-bahay na naganap sa lungsod nitong Oktubre 15, 2025, dakong 3:45 ng madaling-araw.
Batay sa ulat ng pulisya at sa CCTV footage, napag-alamang pumasok ang hindi pa nakikilalang suspek sa bahay ng biktimang kinilalang si Catherine sa pamamagitan ng hindi nakasarang bintana sa ikalawang palapag ng kanilang comfort room.
Pagpasok sa loob, tinangay ng suspek ang dalawang (2) sirang iPad, isang (1) susi ng Vespa motorcycle, at isang (1) susi ng Porsche Turbo, bago mabilis na tumakas sakay ng itim na Toyota Fortuner patungong main entrance ng subdivision.
Sinubukan pa umanong habulin ng kapitbahay ng biktima ang tumatakas na suspek, ngunit nakalayo ito at tuluyang nakatakas. Patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation at CCTV backtracking ang Antipolo City Police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at mabawi ang mga ninakaw na gamit. (ARNOLD PAJARON JR)
