NASAWI ang tatlong katao, kabilang ang isang babaeng menor-de-edad habang sugatan naman ang 17-anyos na dalagita matapos pasukin ang bahay ng isang welder at pagbabarilin ng apat na mga suspek sa Caloocan City, Martes ng gabi.
Kaagad nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang mga biktimang sina Joel Camarillo, 51, welder at Nilo Balili, 54, tricycle driver.
Hindi naman umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan ang 15-anyos na dalagitang estudyante habang ginagamot sa nasabi ring pagamutan ang isa pang dalagitang estudyante na edad 17-anyos.
Ayon kina Caloocan police investigators PSSg Rodolfo King Bautista at PSSg Niño Nazareno Paguirigan, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mga biktima sa No.19 1st Avenue, Brgy 40 ng lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang natutulog ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay nang makita at makausap umano ng 17-anyos na binatilyong saksi ang mga suspek na pumasok sa kanilang compound at hinahanap ang kanyang ama na si Joel.
Makalipas ang ilang sandali, nakarinig siya ng sunod-sunod na mga putok ng baril kung saan pinagbabaril na pala ng mga suspek si Joel na nagresulta ng agaran nitong kamatayan nito at ni Balili na aksidenteng tinamaan ng bala, kasama ang dalawang dalagita na natutulog sa katabing mga kuwarto na dingding na gawa sa light materials (plywood) lang ang pagitan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo patungong Rizal Avenue habang isinugod naman sa nasabing pagamutan ang dalawang dalagita subalit, namatay din ang isa sa kanila.
Sa tulong naman ng rouge gallery na ipinakita ng pulisya sa saksi, kinilala niya ang mga gunman bilang sina alyas “Alvin” at alyas “Boknoy” kung saan iniutos na ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang pagtugis sa kanila upang maaresto habang ang isa sa tinitignan ng pulisya na motibo sa insidente ay personal umanong alitan.
More Stories
Marubdob na trabaho sa POC mas taimtim sa bagong taong 2025 – Tolentino
Lalaki dinampot sa higit P300K shabu sa Caloocan
Kelot na wanted sa sexual offenses sa Valenzuela, timbog!