PORMAL nang idineklara ng House Committee on Justice na sapat sa porma o “sufficient in form” ang dalawa sa mga impeachment complaint na inihain laban kay Bise Presidente Sara Duterte ngayong Lunes, Marso 2.
Ang naging desisyong ito ng lupon ay nagbigay-daan sa pormal na pag-usad ng mga proseso sa loob ng Kamara matapos ang isinagawang botohan at deliberasyon ng mga mambabatas.
Sa simula ng pagdinig, nagpasya ang komite sa botong 22–10 na isantabi ang unang reklamo na inihain ng koalisyong Makabayan dahil sa posibleng paglabag sa “one-year bar rule” ng Konstitusyon, na nagbabawal ng higit sa isang impeachment proceeding laban sa iisang opisyal sa loob ng isang taon.
Dahil binawi na rin ng mga naunang proponents ang ikalawang reklamo, tanging ang ikatlo at ikaapat na petisyon na lamang ang sumalang sa pagsusuri ng mga miyembro ng komite.
Ang ikatlong reklamo na nagmula sa grupo ng mga klero at abogado, kasama ang ikaapat na reklamong inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera, ang kapwa kinilala ng komite na sumunod sa mga teknikal na rekisitos ng batas.
Wala ring mambabatas ang nagpahayag ng pagtutol sa mosyong ito, kaya naman pormal na itong pinagtibay ni Batangas Rep. Gerville Luistro bilang tagapangulo ng nasabing lupon.
Dahil sa pag-unlad na ito, haharap na ang Bise Presidente sa mas malalim na pagsusuri hinggil sa mga seryosong akusasyon ng betrayal of public trust, bribery, graft, at corruption. Kabilang sa mga pinakamabigat na isyung tatalakayin sa mga susunod na pagdinig ay ang umano’y maling paggamit ng P612 milyong confidential funds na nakalaan sa kanyang tanggapan at sa Department of Education noong siya pa ang kalihim nito.
Ang susunod na yugto ng paglilitis sa komite ay ang pagtukoy naman kung ang mga reklamong ito ay may sapat na basehan o “sufficient in substance” bago ito tuluyang iakyat sa plenaryo para sa pinal na desisyon ng buong Kamara.
