May 19, 2024

2 arestado sa droga sa Valenzuela

Nadakip ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Msgt. Roberto Santilan ng Valenzuela Police sina Jaime Garcia, 52, at Alejandro Abenalis makaraang isagawa ang buy-bust operation sa A. Pablo St., Karuhatan, Valenzuela City. (RIC ROLDAN)

NASAKOTE ang dalawang hinihinalang drug personalities ng mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) deputy chief PLT Ronald Sanchez ang naarestong mga suspek na si Jaime Garcia alyas “Bong Tombong”, 52, ng 36 A Pablo St. Karuhatan at Alejandro Abenalis, 43, ng Filiciano St. Ugong.

Bandang alas-9:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PSMs Roberto Lat Santillan, kasama si PCpl Pellesco Redentor at PCpl. Randay Canton ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa A Pablo St. Karuhatan.

Kaagad sinunggaban ng grupo ni PSMs Santillan ang mga suspek matapos bentahan ng isang sachet ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer. Narekober sa mga suspek ang limang plastic sachets na naglalaman ng 1 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P6,800 ang halaga, P300 buy-bust money at P200 cash.